Minsan may mga tanong akong ayaw kong itanong kay tita kasi baka batukan niya ako
- Bakit mahal na araw ang tawag sa holy week?
Tinanong ko sa pinsan at kapatid ko pero tinawanan nila ako. Oo na, bobo na ako kasi hindi ko alam kung bakit. Kasimpleng bagay pero malay ko naman kung bakit nga ba.
Conversion
Tagalog to English
Mahal = love ; Araw = day
English to Tagalog
Holy = banal; Week = linggo
[***tagalog o filipino o pilipino????]
Stupid is forever?
Hays, mga simpleng bagay na hindi ko alam. Alam mo ba? Kung alam mo please enlighten me. Whew. Drop me a message via email, messenger, viber or text.
Prusisyon
Nanunuod ako ng prusisyon kahapon. Wala ng araw. Mainit ang singaw. Amoy pawis ang mga tao. Nakatayo ako sulok ng kanal. Mabaho ang alingasaw. Nagagalit ang isang ale dahil sa dami ng nagtatawiran habang may nagpu-prusisyon. Mas madami ang nanunuod. Mas madami kumpara sa mga sumusunod sa karo. Mas marami kumpara sa may hawak ng kandila. Napuno ng tao ang sentro ng bayan. Sarado ang daan. Sa gitna ng siksikan na iyon, may isang siklista na nakalusot. Tulak-tulak ang bisekleta na nakikiraan siya sa kumpulan ng tao. Salubong ang kilay ng lahat ng masagi ng bike. Mataas ang bilog na buwan. Malagkit ang hangin. Mainit na ang ulo ng iba.
Pawis-pawis; paypay-paypay
Maganda ang ayos sa mga poon. Makulay ang mga bulaklak na nakapaligid. Maingay ang generator na nakabuntot dito. Pawis-pawis ang mga nagtutulak. Nakatayo ako sa harap ng tiyahin ko. Panay ang kampay ng braso niya. Ngawit na ang kamay na mahigpit ang hawak sa abaniko. Inaabot ako ng hanggin ng pamaypay niya.
Kapag maliit ka, may koleksyon ka ng ibat-ibang itsura ng likod ng matatangkad na tao
May matangkad na lalaki na tumayo sa harap ko. Ang ganda ng likod niya. Nakasuot siya nga itim sombrero. Natakpan ako. Likod ng mga poon na lang din ang nakikita ko. [***di bale sanay naman na ako, may tropa nga ako na dalawa ang likod *s*] Napaisip ako. Ano ba ang ginagawa ko doon? Bakit ako nanood ng prusisyon? May himala ba na magaganap kapag nanunood ako ng prusisyon? Ikaw? Nanuod ka din ba ng prusisyon? Anong mayroon sa pagsisindi ng kandila? Dapat pa akong magtanong o kailangan ko ng tumakbo at magtago sa bundok tralala dahil sa mga tanong ko?
Bakit nga kasi???
Hindi ko na din maitanong ang mga tanong na iyan sa mga magulang ko. Wala silang paniwala sa tradisyon na ito. Ako? Ewan. Natutuwa akong makita ang magarang ayos ng mga poon. May mga tao na naghirap para maayos at mapaganda ang mga iyon. Sa pananaw ko "art" iyon. Mahusay ang kanilang obra. Bago ako umuwi, alam ko na kung bakit ako pumunta doon. Dahil alam ko na magaling ang mga tao na gumawa ng gayong kagandang panoorin. Naroon ako para magbigay pugay sa kagalingan ng likha ng aking kapwa. Para bigyang pagpapahalaga ang panahon at lakas na nilaan nila. [***naks! Truly, hahaha naniniwala ka na no? anyway totoo naman yan. Straight from the heart] Wala akong malawak na kaalaman sa kasaysayan ng simbahan. Ang alam ko ay may kagandahan at kabutihan sa prusisyon na iyon. Ano man ang motibo ng mga tao na nakatayo sa tabi ko. Ako, nandoon ako para saksihan ang ilan sa ebidensya na mabuti ang mundo. Ikaw? Nanunood ka din ba? Bakit ka nanood ng prusisyon?
Note to self about: Kaalaman
Pasensya na. Alam mo minsan feeling ko ang husay ko na talaga. Iyong tipong genius level. Kaso, feeler lang talaga ako. Sa laman ng utak ko. Kaunti lang ang sigurado.
Ang nalalaman ko ay isang tuldok lang sa kalawakan ng kaalaman. At lahat ng kaalaman ay hindi kailanman mahahawakan ng iisang tao lamang.
Salamat,
J.G. Villanueva