Chess is life
Tamis/Pait ng unang tikim
Nasigawan ako ng tatay ko nang guluhin ko ang chess board habang tinuturuan niya si Ate. Iyon ang una kong ala-ala sa chess. Musmos pa ako noon. Doon pa kami nakatira sa likod ng bahay ni lola. Nakahawak na ako ng pawn bago ako makahawak ng lapis. Pait ng unang tikim. Napagalitan ako agad sa unang pagtatagpo namin ng pawn.
Lakas
Kung usapang lakas naman pala. Malakas akong kumain. Playing strength? Nasa average level ako sa chess. Alam ang basic moves syempre. May kaunting opening na kayang pangalanan. Naturuan ng ilang middle game principles. Kamote ako sa endgame. May kakabit na swerte minsan kaya nananalo. [***chess players lang ang makakaintindi]
1st tourney
Nagsimula akong lumabas para lumaro ng chess noong grade four. Nagpa-tournament sa bayan. Nagpaskil sila ng endorsement sa school kung saan pumapasok ako ng elementary. Nakita ng tatay ko. Araw-araw hinahatid at sinusundo niya ako sa school. Imposibleng may announcement na makalampas sa kanya. Sumali kami ni ate sa tournament na iyon.
Sakay ng tribike ni Ama pumunta kami sa bayan. First time kong makakita noon ng bata na galing sa ibang school. Strikto ang tatay ko. Sobrang strikto. Bahay at school lang ang destisnasyon. Noong natuto akong mag chess may nadagdag sa mga pwedeng puntahan. Makakalabas daw ako ng bahay kung mahusay ako maglaro ng chess. Magandang motivation. At totoo naman, madami na akong napuntahan dahil sa chess.
Unang trophy
2nd and 3rd place trophy |
Sa unang tournament na iyon nakuha ko ang third place. Si ate ang second place. Champion ang anak ng event organizer. May trophy kami na napanalunan. Dalawang araw ang event. Maraming ibang bata doon pero di ko trip ang makipagkilala. Natandaan ko lang iyong anak ng organizer. Tinalo niya ako. Pag-uwi namin ng ikalawang araw may kalong na kaming trophy. Ako at si ate nakasakay sa tribike ni Ama at may trophy.
District Meet
Nang magtapos ng elementarya si Ate hindi na siya naglaro. Samantalang ako ay nagpatuloy. Grade five ako nang isinali sa District Athletic Meet. Scholar's mate ang paborito ko. [***four moves mate] Bakit ko pagtatagalin kung kaya naman ng saglitan. Gusto kong manuod sa ibang mga event. Badminton, Volleyball o Basketball kung saan lumalaro ang school mates ko. Ang yabang ko noon. Proud ako sa pagiging champion. Hindi ko alam na may level pala ng difficulty ang labanan. Umubra ang fourmoves ko sa level one. Tinuro sa akin ang pangontra. Sinabihan din ako na huwag na muling gamitin ang fourmoves dahil mas malakas na ang mga makakalaban.
Unit Meet
Nakarating ako sa Cabcaben Mariveles. Tuwang-tuwa ako noon. First time kong makarating sa ibang lugar na medyo malayo. Kakampi ko ang langit noon o beginners luck ang meron ako. Nailusot ko ang unit meet. Level two passed. Matapos ang kemeng medical exam. Height, weight, blood pressure measurement, tapos nga-nga sa isang dentista. [***basta pinirmahan ni Doc okey na]. Level three is on.
Provincial Meet
Ang provincial meet ay isang lingong event sa Dinalupihan. Akalain mo nga naman grade five pala ako ng marating ko ang magkabilang dulo ng Bataan. From South to North, Mariveles to Dinalupihan. Dala ang ilang pares na damit, kumot, twalya etc... survival kit, pumunta kami sa San Ramon Elementary School. Alam mo ba, trivia 'to, ako ang pinaka maagang natulog sa lahat ng bata doon. Chess player ako. Pinakamahalagang asset ang tulog. Natalo ako ng isang beses. Natalo ako ni Ate Jamie. Mabuti na lang at dalawa ang kailangang representative sa CLRAA. Hindi man straight sweep win ang record ko sa provincial meet nakakuha pa din ako ng passport pa punta sa CLRAA.
CLRAA
Ang iba sa level four ay may intensive training. Sampung araw kaming nagtraining sa Dinalupihan. Parang camping. Pinakilala ako sa coach. Kasama din namin ang mga highschool. Apat na elementary, dalawang lalaki at dalawang babae. Ganon din naman sa highschool. Walong player ng chess at apat na coaches kami na nagsama-sama doon.
No to Baboy
Noong mga panahon na mabait pa ako. Sinusunod ko lahat ng tradisyon ng mga magulang ko. Hindi kami kumakain ng baboy. Kilala ako ng mga kitchen staff dahil madalas ako sa kusina. Sa tuwing baboy ang ulam nagtatanong ako sa kanila ng ibang ulam. Palagi namang meron. Madalas ay gulay. Natutuwa naman ako. Masarap ang gulay at gusto ko iyon. Kung hindi gulay, isda ang binibigay. Nasa loob ng kusina ang pinaka masarap na ulam. Hinahain sa mga player ang mga karne dahil mas pinipili nila ito. Ako, ay anak ng magsasaka kaya pangmagsasaka na pagkain ang gusto ko. Gulay, isda etc... Iyong pagkain na kung tawagin ng iba ay pangmahirap. I beg to disagree. Kahit ano pa ang itawag doon ay pipiliin ko pa din.
Yes to Baboy
Sabi daw sa bible bawal kainin ang baboy. Kaya lang hindi ko maipaliwanag kung bakit. Minsan pinakain ako nina Tita ng baboy. Inobserbahan ko ang sarili ko. Hindi naman ako namatay. Masarap naman ang lasa. Noong highschool na ako, nakalimutan na ako ng mga kitchen staff. Hindi na ako naghahanap ng ibang ulam kapag baboy ang ibinibigay. Tuwing tinatanong ako kung bakit hindi ako kumakain ng baboy ay nauubusan ako ng paliwanag. Kahit ako mismo ay hindi kumbisido sa rason ko. Niligtas ko ang sarili ko sa madugong paliwanagan. Isa pa, paminsan-minsan lamang ang pagkain ko ng baboy.
Parent's visit
Sa intensive training pinupuntahan ng mga magulang ang anak nila. Dinadalhan ng pagkain o damit. Strong ako. Hindi nagpunta si Ama o si Ina doon pero survivor ako. Hatid o sundo man ay wala. Teachers at coaches lang kasama ko.
Sayaw!?
Last night ng intensive training. Tradisyon na may party. May performance ang bawat event. Pinasayaw kami. Parehong kaliwa ang paa ko. At ayoko sa stage. Wala akong nagawa. Team kami kaya dapat makisama. Beautiful Girls pa ang sinayaw namin noon. [***hahaha, iyon pala ang first time ko na sumayaw sa stage] Maganda ang event na iyon para sa team building. Makikilala ang lahat ng atleta sa ibang event.
Palayan, Nueva Ecija
Unang beses kong sumakay ng bus papuntang ibang bayan ng hindi kasama ang magulang ko. Board two ako dahil second place ako sa Provincial Meet. Naging silver medalist ako. Kapanghinayang ko noon. Kung naging gold medalist ako sa board two ay isang laro na lang para sa Palarong pambansa. Lalaban ng crossover sa silver medalist ng Board one. Dahil silver ako Board two, iyon na iyon. Umuwi ako ng silver ang dala. Alam mo ba? Silver na iyon pero malungkot ako. Umiyak ako noong natalo ako sa CLRAA. Isang talo lang iyon kaya umiyak talaga ako ng bongga. Ang bilin kasi ng tatay ko bawal daw matalo.
I therefore conclude
Naikwento ko na ang una kong salta sa athletic meet. Hindi ko sineseryoso ang training noon. Naiinis pa ako sa tuwing pinipilit ako ng tatay ko na magpraktis. Pinapabasa niya ako ng libro na English at may chess notation. Hindi ko maintindihan. Pero binabantayan niya ako. Kailangan kong basahin kahit pa umiiyak na ako. Ipapaliwanag ko pa sa kanya kung ano ang binasa ko. Inis ko noon aba, kaya niya namang basahin iyon sa sarili niya. Bakit kailangan ako pa ang magpaliwanag? Nagpapasalamat ako dahil ginawa ng tatay ko iyon dati. Ngayon nagbabasa ako kahit walang nakabantay at sa sarili ko lang ipapaliwanag.
Maraming salamat,
J. G. Villanueva