Share this

Friday, April 5, 2019

Overview






Mula kapanganakan hanggang kasalukuyan 

  • Kapanganakan
  • Sa mababang paaralan
    • Daycare
    • Elementarya
  • Secondarya
  • Kolehiyo
  • Kasalukuyan


Overview: drawing ko sa whiteboard




Kapanganakan


1997


October 22 at 6:45 pm nang swertehin ako at tanggapin ng mundo. Mula sa sinapupunan ng aking Ina na bunga ng pag-iibigan nila ng aking Ama. [***naks! tamis]



Sa mababang paaralan

Daycare

2002 to 2003



  • Daycare center ng Sto. Domingo, Orion Bataan

May tribike kami noon. Hinahatid at sinusundo ako ni Ama o ni Ina sa school. [***note: Ama at Ina talaga ang tawag ko sa mga magulang ko, classic no? ] Proud pa ako sa sarili ko noon dahil nagpapaiwan ako sa school. Madami sa mga kaklase ko noon ang binabantayan ng magulang. Umiiyak sila kapag iniiwan. Nakapasok ako sa honor roll kaya napilitan silang ipasa ako kahit na saling pusa lang ako doon. Tinangap na din ako sa grade one kahit mas bata ako kumpara sa mga kaklase ko.



Elementarya 




2003 to 2009


  • Sto. Domingo Elementary School

Ahas


Ang pinaka hindi ko malilimutan na pangyayari noong elementary ako ay noong muntik na akong matuklaw ng ahas. Nakakita ako ng laruan na ahas sa palengke. Kulay yellow, malaki, nakapulupot ang katawan, at nakataas ang ulo. Iyong itsura na ready to attack anytime, pero alam kong peke iyon. Isang umaga mula sa bukid papasok kami ni ate sa school. Mahamog pa, nababasa ang paa ko dahil sa basang damo. Mabilis ang lakad namin. Sa gilid na mata ko nakita ko ang laruan na ahas. Inisip ko na may bumili na nito sa palengke at naiwan sa labas. Tapos nalimutan ko na iyong ibang saktong detalye kasi tumakbo kami ni ate. Tunay na ahas na pala ang nasa tabi namin. Paghinto namin sa pagtakbo nakita ko si Ama na may dalang malaking kawayan. Hinahabol nila ang ahas para patayin. Tinulungan siya ng mga karpintero sa bahay na sinisimulan pa lang gawin. Hindi nila napatay ang ahas. Habang kami ni Ate ay natulala dahil sa close encounter namin sa ahas na inakala namin na laruan.

Chess


Umiiyak ako kapag pinipilit ako ni Ama mag-aral ng chess noon. Pero nakapag-uwi ako ng trophy noong grade four ako. Sumali kami ni ate sa chess tournament sa bayan at nanalo. Nalaman sa school na lumalaro ako ng chess kaya sinali ako ng teacher namin sa District Meet Competition ng sports. Nag-rank one ako doon kaya naging qualifier ako para sa Unit Meet. Malakas ang chamba ko noong mga panahon na iyon kaya naging qualifier ako para sa Provincial Meet. Akalain mo nga naman na nakalusot ako ulit at nagging representative ng Region III. Nakuha ako bilang representative ng Region III hangang grade six.

Secondarya


2009 to 2013

  • Jose Rizal Institute

Wierd


Nalagay ako sa second section bilang freshman. Boring ang highschool life ko. Akala ko may bestfriend na ako noon. Ang problema hindi pala ako marunong kung paano maging bestfriend. Nalipat ako ng section pagdating ng sophomore year. Hindi ko na kinausap ‘yong friend ko sa kabilang section. Ganoon ako katamad pagdating sa social activites, wala sa vocabulary ko ang “Hi” at “Hello”. Akala ko noon weird ang mga taong panay bati at tanggo sa kakilala. Mas weird pala ako dahil hindi ko alam na kapag may nag-Hi, sasagot ka ng Hello. Ako kasi, kapag may nag-Hi, tinitingnan ko sila ng poker face at iniisip ko, “Bakit? Hi? Anong kailangan mo? May problem ka ba sa akin? Waahh, nahihiya ako”. Ganyan ang dialogue sa utak ko. Nailigtas ako ng imagination ko. Naniniwala ako na invisible ako at walang paki-alam sa akin ang ibang mga tao. School at bahay lang ang destinasyon ko.

Chess


Naglaro ulit ako syempre. Tatlong taon akong lumaro bilang Regional representative. Noong third year ako natalo ako ng isang first year. Nainis ako noon. Kako sa susunod na taon babawi ako hindi ako papayag na ganon. Kaya nagpractice ako ng mabuti para maghiganti. [***hahahaha may paghihiganti pa talaga] Dito sa punto ng chess career ko napagtanto na in love na ako. Iyon ang unang pagkatalo na tumatak talaga sa akin kaya na push ako na magpractice. Nagpapasalamat ako sa bata na ‘yon na tumalo sa akin. She ignited the fire in me. Thank you. Malungkot lang maalala na may nagbabalak umapula sa apoy ko.

Kolehiyo


2013 to 2018

  • Bataan Peninsula State University

Mechanical Engineering


Madami na akong maikukwento sa college life. Nagsusulat na ako ng diary nito. Pwede kong balikan ang mga pangyayari na nasulat ko mula Second year college. Halos pareho lang din ng highschool ang mga kaganapan. Level up ng kaunti ang stress at dumami ang mga tagyawat sa mukha ko. [***inis, badtrip na tagyawat, nag-iwan pa ng marks ayaw nila akong tantanan] Mas makulay din ang chess adventures dito 10x ng experiences kumpara sa highschool at elementary. Love life? Pag-usapan natin iyan sa ibang araw. Natututo na din akong mag-inom at magsugal. Masaya, malungkot, madrama at makulit ang mga kwento ko dito.

Kasalukuyan


2019


Napagtripan kong magsulat ng personal blog


Madalang ako magkwento. Gusto ko ang idea na anonymous ako. Pero sa technology ngayon halos alam na din nila ang lahat tungkol sa atin. May paraan ang mga mahuhusay para kumuha ng impormasyon. Kaya ngayon ibibigay ko lahat ng kwento ko. Nasa babasa na lang kung maniniwala sila sa akin. Dahil pwede kong dagdagan, bawasan o mag-stick-to-the-facts depende sa mood ko kung anong mangyayari. Masaya ako tuwing nagsusulat. Sana mapasaya ko din ang babasa.

Alam kong madaming iniisip ang bawat isa sa atin at napaka halaga ng panahon para gamitin sa pagbasa ng kwento na kung sino na isang tuldok lang ang katumbas sa kalawakan ng mundo. Kaya kung naging interesado ka sa mga sinusulat ko. I love you!
BB - Bagumbayan
JRI - Jose Rizal Institute
SDES - Sto. Domingo Elementary School
BNL - Bahay ni Lola
B - Bukid
BKW - Bahay ni Kuya Wil
BKE - Bahay ni Kuya Eddie

Salamat po!

J. G. Villanueva