Kamusta kaibigan?
Sit back relax and enjoy, dadalhin kita ngayon sa mga lugar na minsan ko ng napuntahan. Samahan mo akong balikan ang ala-ala ng aking kamusmusan. [***oi, nag-ryhme hahaha]
Nakapunta na ako sa ibat-ibang bahay at na-obserbahan ang kanilang buhay
- Sa bahay ni lola letty
- Sa likod, parts 1, 2 and 3
- Sa bukid
- Part 1 and 2
- Sa apartment ni pinsan
- Sa bahay ni kuya?
Sa bahay ni lola (sa likod)
Sa likod ng bahay ni lola letty sa gilid ng kapilya. Pinagtagpi-tagping plywood para sa ding-ding at lumang yero ang bubong. May malit na papag at maliit na kusina. Pagkatapos manganak ng nanay ko sa Balanga doon kami umuwi. Syempre wala pa akong recall ng mismong araw na pinanganak ako ang alam ko lang ay doon sa lugar na iyon nakagat ako ng aso. Sa labas ng maliit na silong na iyon ay may halamanan, bulaklak at mga gulay. Binabantayan ito ng aso na naka-squater sa isang parte ng pader ng kapilya. Alam mo ba kung anong pangalan ng aso? Siya si Bantay, ano pa nga ba. Namatay si Bantay ilang araw matapos niya akong kagatin. Nakasakay ako ng Ferry dahil sa aksidente na iyon. Lumuwas kami sa maynila. Natutunan kong wala akong motion sickness. Smooth ang bihaye, hindi ako sumuka. Maliit na gasgas ng ngipin ni Bantay sa hinliliit ko sa paa, ang tumapos sa buhay ng kawawang aso. Ganon kalakas ang kamandag ko kaya mag-ingat kayo sa akin. Ako ang kinagat pero ang aso ang namatay. Hindi ko maintindihan noon kung bakit nakagat na nga ako ng aso pero pinapakagat pa nila ako sa langgam. Iyong langgam na may mahabang karayom at may anti-rabies sa loob. Kahit ilang beses pa nila ako sabihan na parang kagat lang ng langgam ang injection. Hindi talaga. Iyong langgam, pinupunasan niya ba ng bulak na may alcohol ang hita mo bago siya kumagat. Hindi naman diba? [***smh]Sa likod ng bahay ni lola namatay ang asong nakakagat sa akin at ilang beses pa akong pinakagat sa langgam. Ang sakit kaya. Iyan na ang pinaka-vivid na memory ko doon hanggang sa lumipat na kami sa bukid.
Sa bahay ni lola (part 1)
Sa loob ng bahay ni lola letty. Nakatira dito noon ang dalawang tita, isang pinsan, si lolo at si lola. Bihira akong pumasok sa loob noong maliit pa ako. Elementary na ako ng maging madalas ang appearance ko sa loob ng bahay ni lola. Tuwing pananghalian ay doon kami kumakain ni Ate. Pagdating ng hapon nanonood kami ni lola ng Mr. Bean habang hinhintay si Ama na susundo sa akin pauwi sa bukid. Maganda ang bahay ni lola. Pang Las Casas o Calle Crisologo ang datingan. Way back noong panahon ng mga kastila, high class ang bahay ni lola. May malalaking bintana na gawa sa capis. Sa mga lumang palabas dudungaw doon ang dalaga habang may nanghaharana sa ibaba. Kahoy karamihan ang materyales. May ilang bahagi na din ang sementado na dahil nadali ng anay. Presko doon, may mga puno sa harap at malawak ang bakuran sa likod. Hindi pa uso ang gate dahil malaki ang tiwala sa kapitbahay. Ngayon na lang pinagawaan ng gate ang bahay na iyon. Second year highschool ako nang i-recruit ako ni Tita na mag-full time na doon sa bahay ni lola. Balikan muna natin ang bukid.
Sa bukid (part 1)
Tenant si lolo sa bukid. Tinutulungan siya ni Ama sa mga trabaho. Nangutang si Ama kay lola para makapagpatayo ng bahay sa bukid. Pumapasok na si Ate noon sa elementary school noong lumipat kami. Si Ama, Ina, Ate at ako sa bukid, oh it is a paradise. Siguro paradise ang lahat para sa isang masayang batang katulad ko noon. Malakas ang hangin. Maraming mga puno, bulaklak at iba pang halaman. Masarap pagmasdan ang pagsayaw ng dahon ng mga palay sa saliw ng ihip ng hanggin. Sa umaga, namamasdan ko ang pagsikat ng araw at ang paglubog nito sa hapon. Maaga akong natutulog at maaga ding nagigising sa tilaukan ng mga manok. Wala akong ibang inaalala kundi anong lalaruin ko kinabukasan. Papasok si ate sa school habang sina ama at ina ay gagawa sa bukid. May imaginary friend ako, kung ano-anong pinaggagawa namin. Bata pa, mataba na talaga ang utak ko. Siguro epekto ng kagat ng aso. Twentieth century, kung kailan uso na flourecent bulb, meron ng Penelco at Oriwad pero wala kaming pakialam doon. Nasa stone age kami. Gasera ang ilaw sa gabi at poso ang pinagmumulan ng tubig. Hindi uso ang tv, electricfan, ref at gripo.
Beginning of my belief that everything is fine and perfect
Nakatapos ako ng elementary at isang taon sa highschool. Hanggang sa pinag-empake ako at pinapunta sa bahay ni lola kasi daw makakapag-aral ako ng mas maluwag doon.
Sa bahay ni lola (part 2)
Second year highschool ako lumipat kina lola. Ayos naman, bukod sa nakulangan ako sa paliwanag kung bakit ko kailangang gawin iyon. Sa pagkakatanda ko naging maayos naman ang freshman year ko. Bakit kailangan kong umalis sa bahay? Hindi pa ako ganoon kahusay manguwestyon noon kaya kahit gaano kadaming tanong ang nagawa ng utak ko pinapalipas ko lang. Wala akong nakuhang sagot. Madami akong natutunan sa bahay ni lola. Lalo na sa mga gawing bahay na pinapagwalang bahala ko sa bukid. Nagwawalis ako ng bakuran bago pumasok. Naghuhugas din ng plato. Tuwing weekend naglilinis kami ng bahay. Nagbubunot ng pesteng damo sa bakuran atbp. Ngayon nagpapasalamat ako sa karanasang iyon dahil natuto akong magsinop ng mga gamit at ng sarili. Pero noon, ang pakiramdam ko inaalila ako.[***mala Cinderela ang peg]Kapalit ng medyo high-tech na lifestyle ay kailangan kong sundin ang lahat ng inuutos sa akin. Tatanggapin ko lang lahat ng bulyaw sa mali kong gawa at papakinggan ang lahat ng sermon. Kasi kako kailangan kong mag-aral ng mabuti. Sabi ni Ama hindi niya daw kami kayang pag-aralin sa highschool. Kailangan daw naming kumuha ng mataas na grade para may mag scholar sa amin. Ok na motivation iyon kayalang parang degrading masyado sa status nila bilang magulang. Bilang defense ng ego kong ma-pride. Pumili ako ng isang persona noon at nagdesisyon ako na magiging mabuting estudyante. Isa lang, nawala na ang iba kong role. Hindi na ako kapatid, kaibigan, pamangkin, apo o anak. Estudyante lang ako. Iyon na, “Estudyante” tuldok. Minsan isang taon sa season ng palaro, chess player ako. Tapos, pinanganak ang una kong pamangkin kaya naging tita din ako.
Sa apartment ni pinsan
Isang bouncing baby girl ang pinanganak at napuno ng ligaya ang sambahayan. Matic naman iyon diba. Masaya kapag may baby. Basta may ipapakain ka sa kanya at may know how sa kung paano mag-alaga. Simple lang naman ang gawain ko doon. Makipaglaro sa baby para makapag-asikaso ng ibang gawain si mommy. Basic. Advantage pa dahil walking distance lang sa school. Nakakatipid ako ng pamasahe. Kapag swerte nasasabay pa ako sa kaklase ko na kapitbahay namin. Hinahatid kami ng tatay niya sakay ng tricycle. At ang pinaka paborito ko sa bahay na iyon ay ang kumpletong book set ni daddy ng Harry Potter series. Mababait ang mga kapitbahay doon sa loob ng apartment. Kapag may espesyal na luto ay nagdedeliver ako sa bawat bahay. Nakakatanggap din kami ng mga pagkain sa kanila. Parang isang malaking pamilya sila doon sa loob ng malaking compound. Nagmigrate sila pinsan sa Australia. Sa simula ng college life bumalik ako sa bahay ni lola.
Sa bahay ni lola (part 3)
Wala na si lolo at lola. Si ate, tatlong tita, isang pinsan at ako ang nakatira sa bahay. Convenient ang lugar. Makakasakay agad ako ng jeep papuntang sa school sa Balanga. College na ako. Pakiramdam ko huminto na ang pagtanggkad ko elementary pa lang. Malamang dahil hindi ako natutulog sa tanghali. Sanay na ako sa routine ng buhay. Sabi ko nga sayo isa akong “estudyante”. Nawala na ang cheerfulness, kung sakaling nagkaroon man ako non. Wala akong paki-alam sa kung ano pa man. Sobrang dalang ko din umuwi sa bukid kahit napaka lapit lang. Limang araw akong pumapasok sa eskwela. Tuwing sabado lang nagkakaroon ng variation ang buhay ko. Dahil varsity player ako, training kapag sabado. Pagdating ng linggo linis ng bahay, bunot ng damo, paligo ng aso at gawa ng assignment ang routine. Wala na akong paki-alam sa ibang bagay pa. Naniniwala ako na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay matatapos na din ang mga paghihirap. Kaya pinili ko na maging estudayante lang. Kung pakaka-isipin ko ngayon, ni hindi nga ako naging tunay na kaibigan. Pinakamalapit na kaibigan ko noon ay mga kaklase ko ng highschool kasabay ko sa pag-uwi at kasama sa mga kaunting gala. Nagkaroon ulit ng kaunting variation ang buhay ko ng mahiwalay ako sa mga tinuturing kong pinakamalapit na kaibigan. Sa ibang araw ko ikukwento ang mga kaibigan ko. [***iyon ay kung itinuring din ba nila akong kaibigan, last time I check I still suck at being a friend. ]Konting kembot na lang bago ang graduation, pinapili ako; huminto sa paglalaro ng chess o umuwi sa bukid. Pinili kong umuwi sa bukid.
Sa bukid (part 2)
Pagkatapos ng ME camaraderie (5th year), pumunta kami sa bahay ng isang kaibigan. May dala kaming dalawang bote ng empi lights, lechong manok at tube ice. Pag-uwi ko kinabukasan nagbalot ako ng mga gamit at umuwi sa bukid, for good. Whoo. Epekto kaya ng alak kaya nakapag desisyon ako ng ganon o baka evidence iyon na chess ang first love ko. Maglalaan ako ng ibang panahon para ikwento ng blow by blow ang mga detalye ng aking eviction sa bahay ni lola. Ang role ko ay estudyante pa din. Estudyante lang. Kaya noong ng matapos ang graduation.
I am lost
Hindi nga ako pumunta sa graduation ceremony. Siguro kasi hindi ko matanggap na tapos na. Iyon lang ang alam kong gawin, maging estudyante at maglaro ng chess. Saan ako pupulutin? Buong akala ko kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay ayos na. Magttrabaho, magkakapera at magiging successful sa buhay. Mali pala ako, maling-mali. Wala namang nagsabi sa akin na bukod sa pagiging estudyante may mga ibang role ako na kailangang laruin at pag-aralan. At isa pa, may board exam nga pala. Tapos na ang estudyante days. Ang problema mababa ang skill set ko sa pakikipagkaibigan o pakikipagkapwa. Pagdating sa lovelife, dating, flirting etc… bobo ako. Iniwan ko ang mundo ng estudyante, na kulang sa karanasan, kaalaman at gabay patungo sa iba pang aspeto ng universe. Estudyante at chess player. [***smh]
Sa bahay ni kuya
PBB ba ito? [***isa itong joke na alam kong hindi nakakatawa]. Sa bahay ni kuya bong, kuya wil at kuya eddie. Sa bahay ni kuya bong kung saan ako natutong maggitara noong elementary. Sa bahay ni kuya wil na may drum set at ilang beses din kaming nakapunta para sa mga projects. Sa bahay ni kuya eddie kung saan maghapon kaming naglalaro ng chess at palagi akong natatalo. Iyan ang ilan sa mga bahay dito malapit sa amin kung saan ako nakapag-iwan ng mga ala-ala. Ngayon binabalikan ko ang mga ala-ala na ito sa impluwensya ng isang sentence,
Know thyselfSalamat sa pagsama. Hanggang sa muli. Sana basahin mo pa iyong mga susunod.
Sa uulitin,
J.G. Villanueva