Flashback po ito. Exerpt mula sa mga sinulat ko dati.
Alam mo ba kung ano ang dilemma?
Dilemma. Iyong kapag namatay ang ilaw? “dilim ah!”. Para sa akin iyan yung naiipit ka sa pagdedisyon, iyong tipo na kapag pumili ka ng isa ay parang na-agrabyado mo yung hindi mo napili. Iyong parang wala kang pagpipilian kahit meron naman talaga.
Ganito kasi ang sitwayson ko. Meron akong tatlong pamimilian. Sport or Academics? Immediate family or Extended Family? First Family or Second Family? Ipapaliwanag ko sayo isa-isa.
Pinapatigil ako sa paglalaro para mag-focus lang sa academics, pero hindi ako tumitigil. Madami akong dahilan para ipagpatuloy ang sports career ko kasabay ng pag-aaral sa kolehiyo. Samantalang ang mga nagpapatigil sa akin ay may bottomless na rason din kung bakit dapat akong mag-aral na lang muna at magpahinga sa sports. Naglalabanan kami ng katuwiran, dehado ako dahil isa lang ako laban sa lahat ng mga kamag-anak ko na nag-aalala sa akin. Ngayon, ang tanong, pagbibigayan ko ba ang kagustuhan nila o susundin ko ang gusto ko? Sa palagay ko naman ay meron akong pinaglalaban. Bilang isang mag-aaral dapat kong matutunang gamitin ang oras ko sa mga bagay na kapakipakinabang. Hindi pa ako nakakapili, nahihirapan akong magdesisyon. Minsan naiisip ko na pareho kami ni Bernardo Carpio, namamagitan siya sa dalawang nag-uumpugang bato. Kung minsan, parang ako din iyong lubid sa tug of war na hinihila sa magkabilang dulo.
Sport o Academics?
“O”, doon ako sa gitna. Ayaw kong pumili, gusto ko sabay. Bakit ba kailangan pang pumili kung nagagawa ko naman ng maayos pareho? Bakit ko kailangang huminto? Hindi ba nila nakikita na masaya ako sa ginagawa ko? Sabi nila hindi sa lahat ng pagkakataon ay makukuha ko ang gusto ko. Hindi daw porket masaya ko sa gingawa ko ay sige na lang. Pati ba ang pagiging masaya ay ipapagbawal na din. Gusto kong mag-aral kasi mas gusto ko sa eskwela kumpara sa bahay. Nasa unibersidad ang mga kaibigan ko. Dito ay marami akong natutunang bagong kaalaman. Tanging ang mag-aral lamang yata ang kaya kong gawin ng tama. Gusto kong lumaro dahil sa pamamagitan nito ay natutunan ko ang disiplina. Kung manalo ako ay nagpupunyagi ang aking kalooban sa saya, ngunit kung matalo man ay naglalagablab ang aking puso upang makabawi. At sa bawat pagkatalo ay sinisigurado kong mayroon akong natutunan. Iniiwan ako nitong wasak, napupunit ang damdamin ko at pilit mang iwasan ang mga tanong na,
Saan ako nagkamali?
Saan ako nagkulang?
Ako naman ay naghanda ngunit ano ang nangyari?
Hindi ko hinahayaan ang nakapanlulumong pakiramdam na manatili sa akin. Nadarama ko ito ngunit alam kong ito ay lilipas din. Palilipasin ang sakit pero magsisilbing inspirasyon ito upang magpatuloy at bumangon ng mas mainam kumpara nang bago matalo. Mas matatag, mas pursigido at di papayag na muli pang madehado. Muling maghahanda, lalaro at magdarasal na manalo. Sa mga pagkakataon na iyan mas nararamdaman ko na buhay ako, na may halaga ang pagkakasilang sa akin dito sa mundo.
Kung bakit nila itong alisin ay gusto kong malaman. Maaring dahil sa hindi ko sinasabi na ganoon ang naidudulot ng sport sa akin. Na masaya akong gawin iyon kahit pa sabihing mahirap itong isabay sa pag-aaral. Sa pagkakatanda ko ay hindi naman ako nagreklamo. Mahal ko ang ginagawa ko kaya hindi ko alintana ang hirap. Napapagod ako totoo. Ngunit alam ko din naman kung kailangan ng katawan ko ang pahinga.
Sino ba ako upang magmatigas? Isa lang akong hamak na mag-aaral at sila ang nagpapa-aral sa akin. Paano ko babaliin ang utos nila gayong umaasa lang ako sa iaabot nila. Sila nga ba ang nakaka-alam ng tama o susundin ko ang tama na inaakala ko para sa akin?
Sa dami ng tanong na mayroon ako ay minsan gusto ko nang maniwala na isinilang ako para magtanong, kapatid ko nga yata iyong “Sage of Dissolution” sa Unnatural Creatures ni Neil Gaiman. Mula sa mga tanong at pangyayari na yan nagsanga ang pangalawa kong dilemma.
Extended family o Immediate Family?
Kasalukuyan akong nakikisama sa mga Tita ko, kaya nasa extended family ako. Dahil sila ang nagtutustos sa pag-aaral ko; Dahil sa mas malapit sa sakayan ang bahay nila kaya mas dali akong makakapunta sa eskwela; Dahil may internet connection din na mahalaga pagdating sa researches. Iyan ang mga bagay at sitwasyon na meron sa extended family na siya namang kabaliktran ng sa immediate family. Nagkataon na may mga pangangailangan kami na maibibigay nila Tita ng mas maganda kumpara sa kayang ibigay ng mga magulang ko. Kung doon ako uuwi sa magulang ko ay isang malaking pagbabago. Sa punto de vista ng naghahangad ng magaang takbo ng buhay ay pipiliin mo ang manatili sa bahay nila Tita. Isasantabi ang layaw ng puso at magpapahinuhod sa hiling nila alang-alang sa kapalit na ginhawa. Pero ginhawa nga ba na maituturing kung ibig nilang alisin sa iyo ang pinakanais mong gawain? Ang ibinigay nilang kondisyon ay ganito,
Kung ipagpapatuloy mo ang paglalaro ay umalis ka na dito, at doon ka na umuwi sa mga magulang mo
Sa isang angulo ng sitwasyon ay panalong-panalo ako. Sino ba ang hindi maghahangad na umuwi sa bahay ng kanyang mga magulang habang patuloy na nag-aaral at lumalaro? Ang ikinatatakot ko lamang ay kung putulin ng mga Tiyahin ko ang pagsuporta sa akin sakaling ako ay sumuway sa kanila. Kakayanin ba ng mga magulang ko na tustusan ang pag-aaral ko? Baka naman ako ay uuwi lamang at tapos na, walang aral, walang laro. Natutuliro at natataranta ang isip ko. Oo, isip, kasi naniniwala ako na wala akong puso. Kung sa bawat hinaharap ko ay gagamitin ko ang puso ay masasaktan ako ng labis. Masasaktan dahil sa tuwing gusto kong magpaliwanag ay hindi naman ako pinapakinggan. Masasaktan dahil kahit gaano pa kataas ang mga score ko sa exam ay wala man silang paki-alam. Masasaktan dahil kahit pa manalo ako sa mga kompetisyon ay wala pa ring bilang. Dahil ayaw kong masaktan, kusa kong inilayo ang puso ko at itinago na tila isang importanteng bato. Sa tamang panahon kako ay kukuhanin din kita at sa panahon na iyon sana ay mapalambot ko pa. Sa dulo ng isiping iyan ay mayroon nanamang isa pang pamimilian.
First Family o Second Family?
May dalawang grupo ng mga tao na kailangan kong pagpilian at napagkatuwaang tawagin silang first family at second family sa pagkakataong ito ay hindi na ako maaring pumagitna. Kailangan kong pumili ng sigurado, kakaiba ito sa nauna kong dilemma sapagkat iyon ay magkaugnay samantalang ito ay hiwalay na sitwasyon at kondisyon.
Ang First Family
Sila iyong grupo ng mga estudyante na sa opinyon ko ay batak. Batak sa review, batak sa practice, kaya pagdating sa exam ay batak din ang score. Kapag ang list na inilabas ay ginawa ayon sa exam result, hahanapin mo ang pangalan nila itaas ng listahan. Sa exam na one hundred items, ang score na ninety eight ay malungkot pa. Hindi katanggap-tanggap ang salitang bagsak, ang salitang ito ay taboo para sa kanilang tenga. Mataas ang standards. Ang vacant ay ginagamit nila sa pag-aaral, may exam man o wala. Tuwing may requirements na ipapasa ay palaging ginagawa agad kahit malayo pa ang deadline. Hindi papa-abot ng rush hour o iyong tipo na last minute na galawan. Kapag sinabing dismiss ay diretcho sa bahay, kung may side trip man ay bihira lang. Kaunti lang sa kanila ang nakakakilala sa alcohol kaya walang inuman. At kung bakit ganoon ay dahil sila ay mga iskolar ng bayan. May grade limit na inaalala kaya nagsusunog ng kilay. Nagsusumikap para makabawas sa gastusing kinukwenta sa bahay. Nagsasakripisyo alang-alang sa kinabukasan. Sa grupo na ito ay malakas ang academic competition. Kahit hindi sinasadya, kapag binalik ang exam papers nandoon ang pagkukumpara. Nakakalungkot ng sobra kapag ikaw ang nakakuha ng pinaka-mababang marka sa grupo. Ang mabuti dito, ay ito ang matutulak sayo para magpursige. Sila iyong mga tao na nag-eemit ng strong aura, malalakas ang dating.
Mayroon din naman silang good time. Iyong minsang pagpunta sa bahay ng kaibigan para mag movie marathon, kumain, magkwentuhan pagkatapos ay tatambay sa tabing dagat. Simple joys ika nga. Hindi nagsisipaglaro ng DOTA ang mga lalaki sa grupo na ito. Madami pa akong pwedeng ikwento sayo tungkol sa kanila pero may second family pa kaya hanggang diyan na muna.
Ang Second Family
Sila ang depinisyon ng mga estudyanteng chill lang. No pressure. Walang grade limit na inaalala kaya ang goal ay maipasa ang lahat ng subject. Pwede silang mag-cutting, mag-absent at kahit medyo late sa pasahan ng requirements ay hindi issue. Ang pagbagsak sa exam ay hindi gaanong big deal. Sa scale na one to five kung saan one ang nasa laylayan ng lipunan at five ang mayaman, maari ko silang ilagay sa range na three to four. Natutustusan ng magulang nila ang pagpaparal at ilan sa kanila ay nakakapagdala ng sasakyan sa eskwela. Mas madami sa kanila ang in-a-relationship na. Sa mga espesyal na okasyon ay napapainom sila paminsan-minsan. May pagkakataong basagan talaga pero mas madalas na inom, kwento at tawa lang. Noong unang salta ako sa second family ay bitbit ko ang culture ng first family. Hindi satisfied sa score na ninety out of one hundred, pero natutunan kong huwag ipakita ang ganoon sa kanila. Nakakasira kasi ng loob yon para sa iba. Kung halimbawang fifty ang score mo at nag-aamok ka na, ano na lang ang mararamdaman ng nakakuha ng score na twenty. Pero pinaka-hinangaan ko sa kanila ay ang kakayanan nila na aliwin ang isat-isa sa pagkukwentuhan sa loob ng mahabang oras.
Kung ikaw saan ka sasama?
Comfort zone ko ang First Family. Kilala nila ako. Magmula ng unang pagpasok sa college ay kasama ko na sila. Ngunit sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay nahiwalay ako. Minsan kaming pinag-enroll sa school ng mas maaga bilang isang manlalaro binigyan kami ng special privilege. Ang hindi dumadaan sa mahaba, mabagal at mainit na pila ng enrollment ay malaking ginhawa. Iyon ang inakala ko, pero naghalo ang balat sa tinalupan. Noong malaman kong agad napuno ang section na pinili ko at hindi umabot sa listahan ang mga kaibigan ko. Doon nagsimula na mahiwalay ako sa First Family. Sa isang section kung saan wala akong kakilala ay nakita ko ang sarili ko na tila isang lobo (wolf) sa pagitan ng mga tupa. Gusto ko sanang ako ay tupa sa gitna ng mga lobo pero malabo. Malayong-malayo ang katangian ko sa isang tupa. Sa unang pagpasok ko classroom ay may mga pamilyar ding mukha. Mayroong nakalukot, nakatawa, nakasimangot, nakangiti, naka-poker face at may mukha din na di ma-obserbahan dahil nakadukmo palagi sa lamesa. Bagamat ganoon ang naging pangyayari ay tinanggap ako ng Second Family. Lumawak ang aking pananaw. Noon ay nagbabasa lang ako na libro kahit saan, naglalaro sa cellphone o kaya ay natutulog. Bihira akong magkwento ng tungkol sa sarili at madalas wala akong interes sa buhay ng ibang tao. Natutunan ko na kailangan ko iyong baguhin. Na kailangan kong magpakatao. Inaalala ko na kung iiwan ko ang Second Family ay hindi ko magawa ang sinsabi kong pagbabago. Kung mananatili naman ako ay nangangahulugan na iniwan ko ang First Family. Sasabihin mo, bakit hindi kayo magsama sa isang section? Maari nga naman pero dadarating din ang punto ng pagdedesison, ng pagpili. Magkaka-iba sila ng hilig at gawi. Magsasama ba ang dalawang grupo na iyon para sa akin? Imposible. Kaya kailangan ko talagang pumili.
Summary
Kung babalikan ang mga nasabi kong problema ay dalawa lang pala talaga. Sapagkat kung pipiliin ko ang Sports ay parang pinili ko na din ang Immediate Family, samantalang sa pag-iwan ko sa Sports ay pwede akong manatili sa Extended Family. Ang mga susunod kong kilos at desisyon ay kailangan kong pag-isipan ng mabuti dahil malaki ang ang magiging epekto nito sa buhay ko. At ang pagpili ay minsan ko lang gagawin. May isang pagkakataon lamang ako para magpasya. Ang paglipas ng pagpapasya na iyon ay hindi na maaring ibalik. Kung ano man ang mangyari, ay akin pa rin ang responsibilidad. Paano ako magpapatuloy? Sport o Academics, First Family o Second Family?
Dulo ng exerpt.
Sa uulitin,
J. G. Villanueva